Buong kababaang-loob na lumuhod si Governor-elect Ret. Gen. Edgar “Manong Egay” Aglipay matapos ang kanyang opisyal na proklamasyon bilang Gobernador ng Cagayan, bilang panawagan ng pagkakaisa sa mga nahalal na lider ng lalawigan.
Sa kanyang pahayag, iginiit niyang handa siyang isantabi ang pansariling interes alang-alang sa ikabubuti ng mga Cagayano at para sa tagumpay ng adbokasiyang “One Cagayan.”
Hinikayat niya ang lahat ng lider na itigil na ang alitan at magsanib-puwersa upang makapaghatid ng tapat, maayos, at pangmatagalang serbisyo.
Binigyang-diin ni Manong Egay na iisa lamang ang kanilang layunin—ang pagsilbihan ang mamamayan ng buong puso.
Aniya, inialay na niya noon ang kanyang buhay para sa bayan, at ngayon ay handa siyang ialay ang nalalabi niyang lakas para sa kinabukasan ng Cagayan.
Umaasa siya na maririnig at pagtutulungan ng mga lider ang kanyang panawagan.
Naniniwala siyang sa pagkakaisa at pagtutulungan, mas maraming proyekto ang maisasakatuparan para sa ikauunlad ng probinsya.
Sa huli, hinimok niya ang bawat isa na isapuso ang kanilang tungkulin at unahin ang kapakanan ng mamamayan.