TUGUEGARAO CITY-Positibo ang Department Of Agriculture (DA)-Region 2 na masusolusyunan ng Rice Tarrification Law ang problema sa mataas na production cost.
Ayon kay Regional Executive Director Narcisco Edillo ng DA-Region 2, ito’y dahil nakapaloob sa batas na ang P5 bilyon mula sa P10 bilyon na Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)ay maitutuon para sa makinarya.
Aniya, kung dadami ang makinarya na gagamitin sa pagsasaka ay mababawasan ang gastos ng mga magsasaka dahil hindi na kailangang magbayad ng farm laborer na malaking pinagkakagastusan din ng mga magsasaka.
Paliwanag ni Edillo, iilan na lamang ang gustong magtrabaho sa bukid kung kaya’t nagiging mahal na rin ang pagpapasweldo sa mga nakukuhang magtrabaho.
Dagdag pa ng opisyal na sa pamamagitan nito ay mas mapabilis ang trabaho mula sa pagtatanim hanggang sa pag-ani.
Kaugnay nito, sinabi ni Edillo na bibigyang prioridad ng kanilang ahensiya sa naturang programa ang mga asosasyon at kooperatiba ng mga rice producing provinces tulad ng Cagayan at Isabela.
Sa ngayon,kinakailangan lamang hintayin ang pagkakaroon ng pondo mula sa taripa ng mga imported rice.