TUGUEGARAO CITY-Abala ngayon ang mga tauhan ng engineering district ng Upper Kalinga sa pagsasagawa ng clearing operations sa mga kalsada na nagkaroon ng mga pagguho ng lupa, pagbagsak ng malalaking bato at pagkaputol ng mga kalsada.

Sinabi ni Engr. Teodoro Owek na ang matinding nagkaroon ng pinsala ay ang Lubuagan-Batongbuhay road na nagkaaroon ng apat na major landslides at 24 na iba pang maliliit na pagguho ng lupa na may haba na 300 meters.

Ayon sa kanya, posibleng aabutin ng hanggang dalawang linggo bago mabuksan ang nasabing kalsada.

Sinabi ni Owek na posibleng pinalambot ng magkasunod na malalakas na lindol sa Abra na naramdaman din sa Kalinga ang mga bundok na pinalala ng walang tigil na buhos ng ulan kaya bumigay ang mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Wala na rin aniyang supply ng kuryente sa nasabing lugar.

Idinagdag pa ni Owek na sisikapin naman nila na mabuksan ang iba pang mga kalsada na nagkaroon din ng landslide sa kanilang nasasakupan.

Dahil dito, sinabi ni Owek na hindi makakalusot ang mga motorista na mula sa Tabuk City, Kalinga papunta ng Abra at sa Mt. Province via Abra.

Pinapayuhan ni Owek ang mga motorista at mga biyahero na iwasan muna ang pagbiyahe sa Upper Kalinga dahil masyado pang delikado ang mga kalsada.

Sinabi pa ni Owek na may mga barangay na isolated na rin sa kanilang nasasakupan at bagamat wala namang natabunan na mga bahay ay may ilang bahay na nakabitin na matapos na bumagsak ang ilang bahagi ng lupa na kinatitirikan ng mga ito.

Samantala, natagpuan na ang labi ng isang lalaki na unang naiulat na missing matapos na tangayin ng agos ng tubig sa Balbalan, Kalinga.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Almar Malannag, na-recover ang bangkay ng lalaki sa bayan ng Pinukpuk kaninang umaga.

Sinabi ni Malannag na dadalhin ang labi sa Tabuk City para sa embalsamo bago dadalhin sa kanilang lugar sa Balbalan sarado ang ilang kalsada sa lugar bunsod ng mga landslides.

Ayon kay Malannag, bago ang insidente, nagtungo ang lalaki sa Barangay Balantay proper noong Sabado para dumalo sa isang kasal.

Pabalik na ang lalaki pagkatapos ng okasyon kinabukasan subalit habang naglalakad ay nabagsakan siya ng bato at nahulog sa malalim na bangin at dumiretso sa Santag river.

Agad na nagsagawa ng paghahanap ang mga rescuer subalit dahil sa lakas ng ulan hanggang kahapon ay itinigil ang operasyon at nakipag-ugnayan sila sa MDRRMO ng Pinukpuk at dito natagpuan ang bangkay.

Samantala, sinabi ni Malannag na kasalukuyan ang clearing operations sa kanilang mga kalsada na nagkaroon ng landslides bunsod ng mga pag-ulan.