Aminado ang Malacañang na maraming Pilipino ang nalululong sa online gambling na “scatter” subalit inamin din nito na mahirap sugpuin ang naturang sugal dahil parang kabuteng nagsusulputan kahit pa bantay-sarado ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Gayunpaman, tiniyak ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na marami na ring illegal gambling website ang naipasara ng gobyerno na umabot na sa halos 7,000 subalit nagpapalit lamang ang mga ito ng website.

Hindi aniya tumitigil ang DICT at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa pagtanggal sa mga gambling website at hindi tinutulugan ng gobyerno ang problema.

Pinayuhan din ni Castro ang mga personalidad na nag-eendorso ng mga ganitong uri ng sugal na huwag patulan lalo na kung ang mga ito ay hindi lisensiyado upang hindi malulong ang maraming Pilipino.

Hindi aniya maaring ikumpara sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang mga nagpapatakbo ng scatter dahil galing ang mga ito sa illegal websites kaya’t ang tanging magagawa ay laging tanggalin ang mga ito at ipasara sa pamamagitan ng DICT.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Castro na hindi magsasawa ang DICT na i-take down ang mga illegal websites ng scatter upang mapigilang malulong sa bisyo ang maraming Pilipino.