Hindi pa sumusunod ang marami sa mga nagtitinda ng bigas sa lambak ng Cagayan sa ipinatutupad na price cap sa ilalim ng inilabas na Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Robert Busania, Regional Technical Director for Operation and Extension ng Department of Agricuture Region 2, ito ang resulta ng unang araw na paglabas ng binuong Bantay Presyo Task Force upang i-monitor ang presyuhan ng bigas sa mga pamilihan sa rehiyon.
Sinabi niya na sa unang araw ng pag-iikot ng grupo ay pitong munisipalidad ang napuntahan ng Bantay Presyo Task Force na itinalaga sa ibat ibang munisipalidad at probinsya at ito ay kinabibilangan ng mga bayan ng Bayombong, Solano at Aritao sa Nueva Vizcaya.
Kasama rin sa unang pinuntahan ang pamilihan sa Bayan ng Aparri, Cagayan, Cauayan City at Santiago City sa Isabela at ang pamilihan sa bayan ng Diffun, Quirino.
Saad niya, may 44 na mga puwesto ng bigasan ang napuntahan sa unang araw at mula rito ay 12 lamang ang compliant sa mandated na price ceiling habang ang 18 sa mga ito ay wala ng stocks ng bigas.
Sa ilalim ng EO 39, inaatasan ang mga negosyante na magbenta ng P41.00 sa kada kilo ng regular milled rice habang sa Well milled rice naman ay hanggang P45.00 lamang ngunit batay sa resulta ng monitoring ay marami aniya sa mga rice vendors ang nagtitinda ng higit pa sa nakatakdang presyo.
Ipinunto ni Busania na bagamat walang parusa na nakasaad sa ilalim ng inilabas na kautusan ni Pangulong Marcos ay maaari naman aniyang maparusahan sa ilalim ng RA 7581 o Price Act ang sinumang hindi susunod dito.
Inihayag nito na ilan din sa mga dahilan ng mataas na presyo ng mga negosyante ng bigas ay nabili nila ang mga produkto sa mataas na halaga at kulang pa sa impormasyon kaugany sa pag-iral ng price cap.
Tiniyak naman ng ahensya katuwang ang DTI, NFA, PNP at mga LGUs na mas paiigtingin nila ngayon ang kanilang monitoring at pagbibigay ng impormasyon sa mga negosyante ng bigas upang maipatupad ang price cap para makaagapay sa pangangailangan ng mga mamamayan ng Bansa.