
Kinuwestiyon ni Senator Rodante Marcoleta ang pagiging independyente ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa gitna ng kanilang pagsisiyasat sa umano’y katiwalian sa mga proyektong pang-imprastruktura.
Ayon kay Marcoleta, ang komisyon ay humihingi ng tulong at impormasyon mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, kabilang ang House of Representatives, Senado, Sandiganbayan, at iba pang korte at opisina.
Binanggit din ni Marcoleta na may kakulangan sa transparency ang ICI dahil hindi naipapakita sa publiko ang mga isinasagawang proseso nito.
Partikular, binanggit niya ang hindi paglalabas ng laman ng affidavit na isinubmit ng dating House Speaker na si Martin Romualdez.
Ang ICI ay pinamumunuan ni dating Supreme Court Justice Andres Reyes Jr., at dating SC spokesperson na si Brian Hosaka bilang executive director.
Layunin ng komisyon na itaguyod ang accountability sa paggamit ng pondo ng gobyerno at kasalukuyang nagsasagawa ng inspeksyon sa mga proyekto, kabilang ang mga flood control works.
Ayon sa ICI, kasalukuyan nilang pinag-aaralan kung dapat bang i-livestream ang kanilang mga pagpupulong, lalo na’t may mga resource persons na posibleng maapektuhan o matakot na magbigay ng testimonya kung ito’y ilalabas sa publiko.










