Hiniling ni Senador Rodante Marcoleta sa plenary session ng Senado ngayong Miyerkules na agad nang ibasura ang impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Ayon kay Marcoleta, may mga paglabag umano ang Kamara sa proseso ng pagsasampa ng Articles of Impeachment, batay na rin sa naging desisyon ng Korte Suprema na idineklarang labag sa Konstitusyon ang reklamo.
Sa kanyang privilege speech, binigyang-diin ni Marcoleta na hindi kailanman nakuha ng Senado ang hurisdiksyon sa kaso, at dahil dito ay wala umanong legal na batayan upang ituloy pa ito.
Tinukoy rin niya na ang mga pagdinig na isinagawa noong ika-19 na Kongreso ay hindi naipagpatuloy sa kasalukuyang ika-20 Kongreso, kaya’t pormal itong itinuturing na natapos na.
Ngunit agad na tumutol si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III sa mosyon ni Marcoleta.
Giit ni Sotto, nararapat munang hintayin ang desisyon ng Korte Suprema sa motion for reconsideration na inihain ng Kamara, lalo pa’t malaki ang epekto ng kasong ito sa mga susunod na impeachment proceedings.
Dagdag niya, maaring lumala ang sitwasyon kung basta na lamang ibabasura ang reklamo habang may nakabinbing apela.
Samantala, sumuporta rin kay Sotto si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa pamamagitan ng pag-second sa kanyang mosyon na itabi muna ang mosyon ni Marcoleta.
Ayon kay Hontiveros, kailangan munang siguruhin na dumaan sa tamang proseso ang lahat, at hindi dapat padalus-dalos ang Senado sa pagdesisyon sa isang sensitibong isyung konstitusyonal.
Sa panig naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, sinabi niyang maaaring ang mas tamang hakbang ay ang pag-archive ng impeachment complaint, sa halip na pormal itong ibasura.
Aniya, dahil sa desisyon ng Korte Suprema na walang bisa ang mga dokumento mula pa sa simula, baka wala naman talagang dapat ibasura at mas mainam na lamang na ito’y itala bilang bahagi ng rekord ng Senado.