
Sinuspinde ni Senador Rodante Marcoleta ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects hanggang sa susunod na abiso habang patuloy pang bineberipika ang mga ebidensiya at testimonya.
Ang hakbang ay isinagawa matapos ang pagdinig kung saan humarap ang 18 dating Marines na nag-akusa ng umano’y paghahatid ng perang may kaugnayan sa mga flood control project sa iba’t ibang personalidad.
Sa pagdinig, iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano na dapat magpatuloy ang imbestigasyon at hiniling na magkaroon muli ng pagdinig sa susunod na linggo. Aniya, mahalagang maipagpatuloy ang paghahanap ng katotohanan sa kabila ng mga isyung kinakaharap ng Senado.
Samantala, sinabi ni Marcoleta na kailangan pang kumpirmahin ang mga detalye sa sinumpaang salaysay ng mga testigo, kabilang ang mga address, sasakyan, security personnel, at iba pang impormasyong kanilang ibinigay.
Binigyang-diin din ng senador na bukas siya sa sinumang nais manguna sa komite basta’t seryoso itong ipagpapatuloy ang imbestigasyon.
Pormal na isinuspinde ang pagdinig at sinabi ni Marcoleta na maglalabas na lamang ang komite ng panibagong abiso kung kailan ito muling ipagpapatuloy.




