Umakyat sa plenaryo si Senador Rodante Marcoleta upang tutulan ang umano’y pag-splice at pagbaluktot ng kanyang mga pahayag tungkol sa Kalayaan Island Group (KIG).

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Marcoleta na may kapwa siya senador na nagpakalat umano sa opisyal na social media account nito ng “spliced at manipulated” na video ng kanyang mga pahayag sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA). Bagama’t hindi niya direktang pinangalanan, ipinakita sa kanyang presentasyon ang pangalan at video clips ni Panfilo Lacson.

Ayon kay Marcoleta, kinuha umano ang kanyang mga salita nang wala sa tamang konteksto at iginiit niyang wala siyang intensyong isuko ang teritoryo ng Pilipinas. Aniya, layunin lamang niyang ipaliwanag ang komplikadong proseso ng pagdedelimita sa West Philippine Sea kaugnay ng mga inaangkin at okupadong bahagi ng KIG.

Nauna nang sinabi ni Lacson na wala siyang alam sa pag-splice ng video at itinangging siya ang nasa likod nito.

Matatandaang hiniling din ni Marcoleta na amyendahan ang draft minutes ng CA hearing noong Pebrero 4 upang alisin ang kontrobersyal na “give up KIG” na pahayag. Hanggang ngayon ay wala pang aksyon ang CA sa naturang kahilingan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nanawagan din ang Sangguniang Bayan ng Kalayaan sa CA na burahin ang naturang pahayag mula sa opisyal na rekord.