Iginiit ni Vice President Sara Duterte sa “Free Duterte Now” rally sa The Hague, Netherlands na may sabwatan umano ang administrasyong Marcos at ang International Criminal Court (ICC) sa pag-aresto sa kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni VP Sara na ipinilit pa rin ng ICC na isakdal ang kanyang ama kahit umano kulang at kaduda-duda ang ebidensya, habang iginiit niyang ginamit lamang ito bilang taktikang pampulitika ng kasalukuyang administrasyon.

Binatikos din ni Sara ang diumano’y panghihimasok ng ICC sa pamahalaan ng Pilipinas, at iginiit niyang ang mga Pilipino lamang ang may karapatang magdesisyon sa kanilang bansa.

Aniya, ginagamit ng ICC ang isyu upang bigyang-katwiran ang suportang pinansyal na natatanggap nito mula sa ibang bansa at upang ipatupad ang tinatawag nilang “global order” na hindi raw tugma sa kagustuhan ng mga Pilipino.

Hindi rin pinalampas ni Sara ang panunuring ibinato niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ayon sa kanya ay nagpapanggap lamang na mabait at “low-key” upang makaiwas sa kritisismo.

-- ADVERTISEMENT --

Giit pa ni Sara, sa kabila ng mahinahong imahe ni Marcos Jr., malinaw na may direktiba itong ibinaba kaugnay sa pagkaka-aresto ng kanyang ama.

Dagdag pa ni Sara, wala umano siyang nakikitang matagumpay na proyekto mula sa kasalukuyang administrasyon.