Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Kongreso na unahin at pabilisin ang pagpasa ng Anti-Dynasty Bill at ng panukalang Independent People’s Commission (IPC) Act.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, napag-usapan ang mga panukalang batas sa pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Malacañang nitong Martes.

Layunin ng Anti-Dynasty Bill na ipatupad ang probisyon ng 1987 Konstitusyon laban sa political dynasties. Samantala, ang IPC Act ay naglalayong magtatag ng permanenteng independiyenteng komisyon na mag-iimbestiga sa umano’y katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan sa pambansa at lokal na antas pati na rin sa mga GOCC.

Binigyang-diin ni Castro na may posibilidad na mag-overlap ang IPC sa trabaho ng Office of the Ombudsman at Department of Justice.

Bukod dito, hinimok din ni Marcos ang Kongreso na unahin ang Party-list System Reform Act at ang Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act na naglalayong palakasin ang transparency at pananagutan sa pampublikong pondo.

-- ADVERTISEMENT --

Ani Executive Secretary Ralph Recto, bukas ang gobyerno sa konsultasyon sa lahat ng sektor at grupong pampulitika upang mas mapabuti ang mga panukalang batas.

Kasama rin sa tinalakay sa LEDAC ang timeline para sa pagpasa ng General Appropriations Bill at pagsusumite ng nakasagutang budget para pirmado ng Pangulo. Walang itinakdang petsa kung kailan pirmado ang 2026 budget.