Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pag-aalala sa mga posibleng manggugulo o agitators na maaaring makisabay sa mga planadong kilos-protesta sa Nobyembre 30. Ayon sa Pangulo, may mga indibidwal na sinasabing nagdudulot ng kaguluhan at karahasan sa mga dapat sanang mapayapang pagtitipon.

Sa isang press briefing sa Busan, South Korea, sinabi ni Marcos na alam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng ilang grupong posibleng magpasimuno ng gulo. Binigyang-diin niya na ang mga pulis ay naroon lamang upang magpanatili ng kaayusan at hindi upang saktan ang mga nagpoprotesta.

Hinimok ng Pangulo ang publiko na iwasan ang anumang marahas na aksyon sa mga demonstrasyon. Aniya, walang maidudulot na mabuti ang kaguluhan at madalas ay mga kapwa raliyista pa ang nasasaktan.

Ayon kay Marcos, nauunawaan ng pamahalaan ang galit ng mga mamamayan kaugnay ng mga isyu ng katiwalian sa ilang proyekto ng gobyerno. Iginiit niyang ang pondo para sa mga proyektong ito ay dapat mapunta sa mga serbisyong makatutulong sa mamamayan, hindi sa pansariling luho ng ilang opisyal.

Matatandaang libu-libong Pilipino ang lumahok sa mga kilos-protesta noong Setyembre 21 upang ipanawagan ang transparency at pananagutan sa mga umano’y maanomalyang proyekto sa flood control. Bagama’t nanatiling mapayapa ang mga pagtitipon sa Luneta at EDSA, nagkaroon ng kaguluhan sa Mendiola kung saan ilang establisimyento ang nilusob ng mga nagprotesta.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy namang nagbabantay ang mga awtoridad upang matiyak na magiging maayos at ligtas ang mga susunod na demonstrasyon.