Hindi lalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang 2026 General Appropriations Act (GAA) bago matapos ang taon.

Kinumpirma ni Executive Secretary Ralph Recto na pipirmahan ng Pangulo ang P6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026 sa unang linggo ng Enero, partikular sa Enero 5.

Ayon kay Recto, kailangan ng sapat na panahon ng Pangulo upang masusing repasuhin ang mahigit 4,000 pahinang enrolled budget documents.

Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na walang negatibong epekto kung magkakaroon man ng reenacted budget sa loob ng ilang araw o isang linggo sa pagsisimula ng 2026.

Kinilala rin ni Senator Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate finance committee, na makabubuting ilipat ang lagda sa Enero upang matiyak na maayos na nasusuri ang bawat probisyon ng badyet.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na mas mainam ang reenacted budget kaysa madaliing pagpasa ng badyet, lalo na sa gitna ng mga isyu ng katiwalian sa ilang proyekto ng gobyerno.

Natapos na ang deliberasyon ng bicameral conference committee noong nakaraang linggo. Inaasahang iraratipika ng Senado at Kamara ang bicam report sa pagbabalik ng sesyon sa Disyembre 29.