Nag-utos si Ferdinand Marcos Jr. ng paglikha ng isang crisis committee kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nauna nang ipinag-utos ng Pangulo ang pagbuo ng naturang komite kahit bago pa ito imungkahi ng iba. Aniya, kasalukuyan nang tinatapos ang opisyal na dokumento para rito.

Hindi pa nagbigay ng detalye si Castro hinggil sa komposisyon at mandato ng crisis committee dahil ito ay pinal na inaayos. Inaasahang tututok ito sa pagtugon sa epekto ng krisis sa Gitnang Silangan, na nagdulot ng malalaking pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Batay sa impormasyon mula sa mga industry source, posibleng tumaas ang presyo ng diesel ng P16 hanggang P18 kada litro, habang ang gasolina ay maaaring umakyat ng P9 hanggang P11 kada litro.

Dahil dito, maaari umanong lumagpas sa P120 kada litro ang presyo ng diesel sa ilang gasolinahan.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, nagsagawa na ng nationwide strike ang ilang transport group noong nakaraang linggo upang igiit sa pamahalaan ang agarang tulong para sa mga driver at operator na apektado ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Samantala, sinimulan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng cash assistance sa mga apektadong sektor, kabilang ang mga tricycle driver.