
Nagpatawag ng situation briefing si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. kasama ang mga pangunahing opisyal ng pamahalaan kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatang bahagi ng Sarangani sa Mindanao.
Ayon sa Presidential Communications Office o PCO, nakatanggap ng mga ulat ang Pangulo mula kina Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, Department of Science and Technology Secretary Renato Solidum Jr., Department of Health Secretary Ted Herbosa, at Office of Civil Defense Undersecretary Harold Cabreros.
Dumalo rin sa pagpupulong sa pamamagitan ng virtual platform si General Santos City Mayor Lorelie Pacquiao kasama ang iba pang lokal na opisyal.
Batay sa PCO, nasa Mindanao ang mga kalihim ng Gabinete alinsunod sa direktiba ng Pangulo para sa isang whole-of-government response. Nagbigay ang mga ito ng ulat hinggil sa patuloy na response operations, pagtatasa ng pinsala, at agarang pangangailangan ng mga apektadong komunidad.
Samantala, tiniyak ng Malacañang na may sapat na pondo ang pamahalaan para sa pagtugon at pagbibigay ng ayuda sa mga naapektuhan ng lindol.




