Nakabalik na sa bansa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Linggo ng gabi matapos ang apat na araw na working visit sa Osaka, Japan, ayon sa opisyal na pahayag mula sa Malacañang.
Lumapag si Marcos sa Pilipinas bandang alas-5:55 ng hapon matapos ang serye ng mga aktibidad na kinabibilangan ng pakikipagpulong sa Filipino community sa Osaka at pagtitibay ng mga kasunduan sa mga negosyanteng Hapon.
Sa kanyang social media post, inihayag ng Pangulo na magsasanib-puwersa ang Kanadevia Corporation at Philippine Ecology Systems Corp. para sa isang waste-to-energy project na layong mapamahalaan ang basura habang lumilikha ng malinis na enerhiya.
Magtatayo rin ang Tsuneishi Group ng kauna-unahang methanol dual-fueled KAMSARMAX bulk carrier sa mundo sa Cebu — hakbang na magbibigay ng trabaho at maglalagay sa Pilipinas bilang lider sa larangan ng green shipping.
Dagdag pa ng Pangulo, pinalakas din ang ugnayan sa mga lider ng turismo sa Japan upang mas maraming bisita ang makapunta sa Pilipinas at lumawak ang oportunidad para sa mga manggagawa.
Ang pulong sa Japan Aerospace Exploration Agency ay nagbukas ng mga bagong oportunidad para sa pagtutulungan sa larangan ng space technology, na makatutulong sa disaster monitoring, pagsuporta sa mga magsasaka, at pagpapatibay ng kaligtasan ng mga komunidad.
Kasama ni Marcos sa biyahe ang Unang Ginang Louise “Liza” Araneta Marcos.
Dalawang beses din niyang binisita ang Philippine Pavilion sa Expo 2025 na kasalukuyang ginaganap sa Osaka.