Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga bagong nagtapos sa batas sa West Visayas State University (WVSU) sa Iloilo City na pairalin ang integridad, katotohanan at paglilingkod sa bayan sa kanilang propesyon.

Sa kanyang talumpati sa graduation rites ng WVSU College of Law, sinabi ng Pangulo na dapat piliin ng mga bagong abogado ang prinsipyo kaysa kaginhawahan, katotohanan kaysa kasinungalingan, at serbisyo kaysa pansariling interes.

Binigyang-diin din niya na bagama’t nangangailangan ng katatagan at pagiging obhetibo ang batas, dapat pa ring manaig ang malasakit, pagiging makatarungan at paggalang sa dignidad ng tao sa paghahatid ng hustisya.

Ipinunto rin ni Marcos ang kasabihan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay na ang mga kapos sa buhay ay dapat magkaroon ng higit na proteksiyon sa ilalim ng batas.

Kasabay nito, pinangunahan ng Pangulo ang pagpapasinaya sa bagong gusali ng College of Law ng West Visayas State University at muling iginiit ang pangako ng administrasyon na palakasin ang sektor ng edukasyon at sistema ng hustisya sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --