
Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga bagong nagtapos sa batas sa Iloilo City na piliin ang prinsipyo kaysa kaginhawahan, katotohanan kaysa kasinungalingan, at paglilingkod kaysa pansariling interes.
Sa kanyang talumpati sa 3rd Commencement Exercises ng West Visayas State University College of Law, iginiit ng Pangulo na manatiling nakaugat sa integridad, katarungan at katotohanan upang hindi maligaw ng landas sa kanilang propesyon.
Binigyang-diin din niya na hindi nasusukat ang tagumpay lamang sa dami ng kasong naipanalo o sa posisyong hahawakan, kundi sa tiwala ng publiko at sa patas na pagganap ng tungkulin.
Ayon pa sa Pangulo, sa panahon ng pagsubok sa tiwala ng publiko sa mga institusyon, mas nagiging mahalaga ang pananagutan at integridad ng mga tagapagtaguyod ng batas.
Dumalo rin sa okasyon si First Lady Liza Araneta-Marcos, na isa ring faculty member ng unibersidad, kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan.
Kasabay ng programa, pinangunahan din ng Pangulo ang inagurasyon ng bagong gusali ng College of Law ng West Visayas State University.




