
Muling iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pangarap na tuluyang mawakasan ang gutom ng mga Pilipino pagdating ng 2028, sa pagtatapos ng kanyang termino.
Ipinahayag niya ito sa harap ng mga miyembro ng Sama Bajau Indigenous People community sa Barangay Sinunuc, Zamboanga City, kung saan pinangunahan niya ang isang caravan ng iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan.
Ayon sa Pangulo, mahalagang bahagi ng layuning ito ang Walang Gutom Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa aktibidad, namahagi ang ahensya ng grocery packs na nagkakahalaga ng ₱3,000 sa 71 pamilya, habang 500 pamilya naman ang nakatanggap ng family food packs.
Nagbigay rin ang DSWD ng tig-₱15,000 sa 100 benepisyaryo sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program, at tig-₱10,000 sa 500 IP families sa pamamagitan ng AICS program.
Ang Walang Gutom 2027: Food Stamp Program, na idineklarang flagship initiative ng pamahalaan, ay layong tugunan ang involuntary hunger, malnutrition, at stunting.
Target nitong maka-enroll ng 600,000 households ngayong taon, at suportado ito ng $400-million loan mula sa Asian Development Bank.
Kasama rin sa caravan ang medical at livelihood assistance, at sinaksihan ng Pangulo ang turnover ng 10 bangka sa Maasin Fisherfolk Association.










