TUGUEGARAO CITY-Namahagi ng Personal protective equipment (PPEs) ang Marine Battalion Landing Team-10 na nakabase sa bayan ng Lal-lo sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) katuwang ang grupo ng mga doktors at lawyers na mula sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay LTC Rowan Rimas,Commanding officer ng Marine Battalion Landing Team-10, nasa isang libong surgical masks, gloves at iba pang kagamitan ang kanilang naibigay sa naturang pagamutan.
Aniya, ito ang kailangan na kailangan ng mga health workers sa naturang pagamutan bilang proteksyon sa paglaban sa coronavirus disease (COVID-19).
Isinabay ang pamamahagi ng mga nasabing kagamitan sa paggunita ng Araw ng Kagitingan nitong araw ng huwebes.
Kaugnay nito, tuloy-tuloy ang pangangalap ng kanilang hanay ng donasyon sa iba pang grupo para matulungan ang naturang pagamutan.
Bukod dito, namigay din ang kanilang battalion ng relief goods sa mga agta partikular ang 21 pamilya sa palaui island sa bayan ng Sta Ana, Cagayan.
Samantala, sinabi ni Rimas na mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga inilatag na checkpoint sa kanilang mga nasasakupang lugar bilang pagtalima sa enhance community quarantine dahil sa Covid-19.