
Matapang na binanatan ni Senador Francis “Chiz” Escudero si Congressman Martin Romualdez sa plenaryo ng Senado ngayong Lunes, Setyembre 29.
Tila iginiit ni Escudero na hindi siya kailanman kakampi ni Romualdez at nanindigang lalabanan niya ang aniya’y “script at sarswela” na pinapalaganap ng kongresista upang lituhin at pag-awayin ang sambayanan.
Giit ng senador, kung nais daw lumitaw ang tunay na katotohanan, mapanagot ang tunay na salarin, at makulong ang tunay na may kasalanan ay huwag daw kampihan si Romualdez.
Binatikos ng senador ang umano’y taktika ni Romualdez na pag-awayin ang mga opisyal ng pamahalaan at ang mamamayan upang makaiwas sa paniningil ng pananagutan.
Ayon kay Escudero, malinaw na bahagi ito ng plano ni Romualdez para linlangin ang publiko at ilihis ang imbestigasyon.
Ayon pa sa senador, dapat pasagutin at imbestigahan ang lahat ng kinaladkad na mga pangalan at mga nabanggit na Congressman, Senador, at iba pang opisyal—at dapat kasama rin aniya dito si Romualdez.
Dagdag pa ni Escudero, dapat igalang at paniwalaan ang mga testigong nagsisiwalat ng katotohanan, kabilang si Sgt. Guteza na aniya’y walang personal na interes kundi ang magsiwalat ng tama.
Sa pagtatapos ng kaniyang talumpati, hinikayat ni Escudero ang publiko at kapwa mambabatas na huwag magpadala sa umano’y drama ni Romualdez.