Hanggang ngayon ay wala pang resulta ang paghahanap kay Mary Grace Piattos, 11 araw buhat nang mag-alok ang Kamara ng P1 million reward sa sinumang makakahanap sa kanya.

Batay sa mga dokumento na ipinakita sa pagdinig ng House quad committee na mula sa Commission on Audit, si Piattos ay signatory sa acknowledgment receipt na may petsang December 30, 2022, ibig sabihin isa siya sa mga nakatanggap ng pera mula sa P125 million confidential funds na ginastos ng office of the Vice President sa loob ng 11 araw.

Naniniwala ang mga mambabatas na gawa-gawa ang nasabing pangalan, kasama ang iba pang recipients na sina “Fernando Tempura,” “Carlos Miguel Oishi,” “Reymunda Jane Nova” at “Chippy McDonald,” lahat ay ginaya ang pangalan ng sikat na brands ng chichirya.

Sa quad committee hearing noong Lunes, inamin ni Gina Acosta, special disbursing officer ng OVP na hindi niya personal na kilala si Piattos.

Subalit, sinabi niya na okay lang na ibigay ang nasabing pera sa nasabing tao, dahil may apelyedo naman sa Davao na Piattos.

-- ADVERTISEMENT --