
Nanawagan si Senador Bam Aquino ng mas istriktong at hiwalay na parusa para sa mga indibidwal at private schools na nagnanakaw o nang-aabuso sa government funds sa ilalim ng Senior High School (SHS) voucher program.
Ayon kay Aquino, chair ng Senate Committee on Basic Education, may ilang private schools, lalo na ang may provisional permits, na gumagamit ng “ghost students” at pekeng records para makakuha ng pondo mula sa voucher system, na dapat ay mapunta sa mga tunay na mag-aaral.
Aniya, ang kasalukuyang batas na ginagamit para usigin ang mga ganitong kaso, tulad ng syndicated estafa o falsification of documents, ay hindi sapat upang ipakita ang bigat ng kanilang ginawa.
Ipinanukala ng senador na isama sa final committee report ang specialized at mas mabigat na parusa para sa mga paaralan at indibidwal na nagnanakaw sa pondo ng SHS voucher program.
Layunin nito na magbigay ng malinaw na mensahe na hindi dapat hawakan ang pondo ng gobyerno para sa edukasyon at protektahan ang mga estudyanteng karapat-dapat sa tulong ng programa.






