Muling maglalabas ng panibagong guidelines ang Pamahalaang Panglungsod ng Tuguegarao para sa ipatutupad na mas mahigpit na quarantine restrictions makaraang ilagay sa Alert Level 3 ang lalawigan ng Cagayan na magsisimula sa Linggo, January 9.

Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, magkakaroon ng Special Session ang Sangguniang Panlungsod upang talakayin at aprubahan ang Ordinansa para sa Guidelines sa Alert Level 3.

Sa ilalim ng bagong panuntunan, sinabi ni Soriano na lahat ng mga byahero na papasok sa Lungsod na manggagaling sa Timog o dadaan sa boarder checkpoint sa Buntun at Namabbalan ay kailangang magpakita ng travel pass.

Mananatili naman ang “COVID-19 test requirement” para sa mga uuwi sa lungsod na nagmula sa mga lugar na nasa Alert Level 3.

Kailangang magpakita ang byahero ng negatibong resulta ng kanyang “antigen test” na isinagawa sa loob ng 72 oras bago ang pagpasok nito sa Tuguegarao City.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ng alkalde, maaari ring sumailalim ang mga byahero sa antigen testing pagdating nito sa boarder checkpoint sa Tuguegarao na isasagawa ng otorisadong triage units sa ilalim ng superbisyon ng City Health Office at ito ay may bayad.

Papayagan pa rin ang ilang establisimyento na mag-operate ng hanggang 30% indoor venue capacity habang hanggang 50% naman sa outdoor venue capacity.

Bawal pa rin ang face-to-face classes para sa basic education, contact sports, mga parke o playgrounds ngunit pinapayagan ang sinehan sa 30% venue capacity.

Bawal na ring tumanggap ng mga bisita o magkaroon ng salu-salo ang mga hindi magkakasama sa bahay.

Nitong Biyernes, 57 ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Tuguegarao City.

Noon lang nakaraang Disyembre 27 nang nakaraang taon, nasa tatlo lang ang aktibong kaso ngunit muli itong tumaas nang hanggang 213 mula ngayong araw.

Bagamat hindi pa kumpirmado, sinabi ni Soriano na maaaring nasa Lungsod na ang pinangangambahang Omicron variant dahil sa bilis ng hawaan na nagsimula nang luwagan ang travel restrictions sa mga biyahero mula Metro Manila

Dahil dito, nasa 25 lugar sa lungsod ang isinailalim sa granular lockdown habang activated na ang apat na quarantine facilities.

Sa ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang vaccination program ng lokal na pamahalaan kung saan nasa 90% na ang nabakunahan sa first dose habang 82% ang nakakumpleto na ng kanilang bakuna.

Siniguro naman ng alkalde na magpapatuloy pa rin ang vaccination program ng lungsod hanggang sa mabigyan na ng bakuna laban sa COVID-19 ang lahat ng mga Tuguegaraoeños.