TUGUEGARAO CITY – Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA sa publiko ng mas mainit na panahon sa mga susunod na araw dahil sa epekto ng tagtuyot.

Ayon kay Lito Aquino ng PAG-ASA Tuguegarao na malaki ang posibilidad ng heatstroke at iba pang kahalintulad na sakit dahil posibleng umabot sa 39 hanggang 40 degrees celsius o mas mataas pa ang temperatura sa mga susunod na araw lalo na sa Tuguegarao City.

Sa katunayan, aabot na sa 47 degrees Celsius ang naitatalang heat index sa lungsod na maituturing na ‘dangerous level’ (41-54 degrees Celsius).

Ang heat index ay ang init na nararamdaman ng katawan ng tao na kadalasang mas mataas sa air temperature.

Dahil dito, pinayuhan ang publiko na uminom ng mas maraming tubig at magsuot ng mga damit na may light colors ngayong tag-init.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Aquino na habang umiiral ang community quarantine dahil sa COVID-19 ay mas mabuting manatili na lamang sa loob ng bahay upang makaiwas sa init ng araw.