Mayorya ng mga Filipinos sa Lebanon ang nagpahayag ng kanilang katapatan sa kanilang employers at nais na makipagsapalaran at ayaw na lumikas sa kabila ng lumalalang tensiyon sa nasabing bansa.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Lebanon Raymond Balatbat na handa umano ang ilang Filipino sa Lebanon na magbakasakali na huhupa din ang kaguluhan kaya ayaw nilang sumailalim sa repatriation.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na nasa 1,000 sa 11,000 Filipinos ang nagpahayag ng kanilang interes na bumalik ng bansa.
Sa kabila nito, iginiit ng dalawang opisyal ang kanilang panawagan sa mga Fiipino sa Lebanon na umuwi na, lalo na at inaasahan na muling magbubukas ang flights palabas ng Beirut sa unang linggo ng Oktubre.
Samantala, ayon sa health ministry ng Lebanon, halos 700 na katao na ang namamatay ngayong linggo bunsod ng pinaigting na air strikes ng Israel sa Hezbollah.