Inihayag ni National Security Council and National Task Force West Philippine Sea spokesperson Jonathan Malaya na magkakaroon ng karagdagang mga pag-aresto sa mga susunod na mga araw kasunod ng pagkakahuli sa dalawang pinaghihinalaang Chinese spies.
Ang dalawa ay nagpapanggap na mga turista sa Palawan, at nahuli sila na kumukuha ng videos at mga larawan ng mga barko ng PHilippine Coast Guard (PCG) sa nasabing probinsiya.
Ayon kay Malaya, pinalakas pa nila ang kanilang counterintelligence efforts, at unti-unti na nilang nabubuo ang conspiracy ng nasabing operasyon na ginagawa ng mga dayuhan at ang isinasagawang pang-eespisya sa bansa.
Kasabay nito, sinabi ni Malaya na iniimbestigahan na rin kung ang nasabing kaso ay konektado sa sleeper agent na nahuli kamakailan ng mga awtoridad dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa espionage activities.
Gayunman, sinabi niya na may indikasyon na ang mga ito ay isang grupo, batay sa kanilang nakita sa mga nakuha sa pinaghihinalaang Chinese spies na cellular phone at ilang piraso ng equipment
Sinabi ni Malaya na mas marami sa dalawa ang nasa kanilang radar na inaasahang maaaresto sa susunod na mga araw at ang mga tip ay mula sa concerned citizens.