Asahan ang mas mataas na bayarin sa kuryente sa susunod na buwan, kasabay ng pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mas mataas na rate para sa feed-in tariff allowance (FIT-All) bunsod ng pagkaubos ng pondo dahil sa patuloy na mababang presyo sa wholesale electricity spot market (WESM).

Batay sa statement, sinabi ng ERC na inaprubahan nila ang aplikasyon ng National Transmission Corporation (Transco) na itaas ang FIT-ALL rate sa P0.1189 per kilowatt-hour (kWh) mula sa P0.0838 per kWh sa kanilang isinagawang regular commission meeting noong February 19.

Ang FIT-ALL ay ang uniform charge na ipinapataw sa lahat ng on-grid electricity consumers, at ito ay kasama sa electricity bill na titiyak sa development at promosyon ng renewable energy sa bansa.

Kaugnay nito, sinabi ng ERC na committed ito sa pagtiyak na ang FIT-ALL rates ay patas, transparent, at tugma ito sa aktuwal na kundisyon sa merkado.