Nakaamba ang pagtaas sa singil sa kuryente sa buong bansa simula sa susunod na buwan.

Ito ay bunsod ng gagawing pagbawi ng National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) sa natitirang unsettled
payments para sa contracted reserve requirements o ancillary services (AS) mula sa power generators.

Matatandaang inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) noong Disyembre ang koleksyon ng natitirang 70% deferred payments sa power reserve market na nagkakahalaga ng P3.05 bilyon.

Sinabi ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza, sa susunod na NGCP billing statement na ibibigay sa mga customers sa susunod na buwan, makikita ang koleksion na 70 percent ng ancillary service (AS) charge na hindi inilagay sa billing ng generators mula March 2024 billing.

Base sa ERC, ang kaukulang rate impact sa consumers ay P0.124 per kilowatt hour (kWh) para sa Luzon at Visayas, habang ang Mindanao ay magkakaroon ng rate impact na P0.033 per kWh.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nanindigan si NGCP spokesperson Cynthia Alabanza sa integridad at seguridad ng transmission system ng bansa, sa gitna ng pagkabahala sa pagkakasangkot ng State Grid Corporation of China bilang 40% owner ng NGCP.

Giit ng NGCP official, tumatalima ang ownership structure ng NGCP sa 1987 Constitution, na naglilimita sa foreign ownership sa public utilities sa 40%.