Ipinakilala na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang First Philippine Polymer Banknote (FPP) Series, tampok ang bagong banknote designs matapos ang paglabas ng P1,000 polymer banknote noong 2022.

Sinabi ni BSP Governor Eli M. Remolona, ang polymer banknotes ay smarter, cleaner, at mas matibay.

Smarter dahil mayroon itong advanced anti-conterfeiting features at mas maliit na carbon footprint.

Mas malinis dahil hindi nagtatagal ang mga virus at bacteria sa polymer kumpara sa papel.

Mas matibay dahil mas nagtatagal ang mga ito kumpara sa papel na pera.

-- ADVERTISEMENT --

Ang bagong polymer banknote denominations ay P500, P100, and P50 kung saan makikita ang mga ipinagmamalaking mga hayop sa bansa at maging ang local weave designs.

Kung sa P1,000 polymer banknote na inilabas noong 2022 ay tampok ang Philippine eagle, para sa bagong P500 polymer, makikita ang Visayan spotted deer, sa P100 naman ay ang Palawan peacock-pheasant, ang P50 ay tampok ang Visayan leopard cat.

Nakatakdang papasok sa sirkulasyon ang mga bagong polymer banknote sa unang quarter ng 2025.

Subalit sinabi ng BSP na mula December 23, maglalabas sila ng limitadong bilang ng nasabing bagong pera sa Manila.

Kaugnay nito, ipinaalala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mananatili sa sirkulasyon ang mga papel na pera.

Umani naman ito ng magkakaibang reaksyon mula sa mga grupo at indibidwal.

Ayon sa historian na si Prof. Xiao Chua, nakakapanghinayang na dating mga bayani ang makikita sa mga salapi, subalit ngayon ay mga hayop at ibang features na lamang.