Tiniyak ng pamahalaang lokal ng Sta. Ana na mas lalo nilang hihigpitan ang pagbabantay sa mga quarantine checkpoint kahit ibinaba na sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang Cagayan.
Ayon kay Mayor Nelson Robinion na kabilang sa mga binabantayan ang posibleng pagpasok ng mga foreign nationals, tulad ng mga Chinese dahil sa presensiya ng mga casino sa lugar na patuloy ang online operations.
Paliwanag ng alkalde, sa ilalim kasi ng GCQ ay mas marami na ang authorized na lumabas dahil maaari nang pumasok sa trabaho at pinayagan na ang biyahe ng mga transportasyon bagamat kailangan pa ring sundin ang social distancing.
Marami aniya ang nalock-down hindi lamang mga foreign nationals kundi mga locals kung kaya asahan ang mahigpit na pagpapatupad sa mga protocols laban sa mga Unauthorized Persons Outside Residence (UPOR).
Bukod sa mga quarantine checkpoint sa Sta. Ana, mahigpit rin na binabantayan ang mga pantalan katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Marine at Philippine Navy.
Umaasa ang alkalde na mapapanatili ng Sta. Ana ang zero covid case sa ilalim ng GCQ.