
Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang isang priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na naglalayong palakasin ang laban ng bansa kontra online child sexual abuse and exploitation, kabilang ang mga bagong banta mula sa artificial intelligence (AI)-generated content at iba pang makabagong teknolohiya.
Sa botong 284-0, ipinasa ang House Bill No. 9461 o ang “Child Online Safety and Protection Act of 2026.”
Layunin ng panukala na palawakin at palakasin ang Republic Act No. 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act sa pamamagitan ng mas mahigpit na safeguards, pinalakas na enforcement powers, at mas organisadong pambansang balangkas para protektahan ang mga bata sa digital age.
Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, tugon ang panukala sa mabilis na pagbabago ng mga paraan ng online child exploitation at sa paggamit ng teknolohiya, kabilang ang AI, ng mga kriminal.
Pinalawak ng panukala ang depinisyon ng child sexual abuse or exploitation materials upang saklawin ang AI-generated, synthetic, at digitally manipulated content, kabilang ang deepfakes na kinasasangkutan ng mga bata.
Isinasaad din ng bill na krimen ang sexual extortion, grooming, luring, image-based sexual abuse, at livestreamed child exploitation.
Sa ilalim ng panukala, ang paggawa, pamamahagi, pagli-livestream, o pagpapadali ng child sexual abuse materials ay may katapat na parusang habambuhay na pagkabilanggo at multang hindi bababa sa P2 milyon.
Ang paghawak ng ganitong materyales ay maaaring maparusahan ng hanggang 20 taong pagkakakulong at multang hanggang P500,000, habang ang sadyang pag-access ay maaaring magresulta sa hanggang 12 taong pagkakakulong at multang hanggang P300,000.
Pinalalakas din ng panukala ang kapangyarihan ng pamahalaan na mag-block, magsara, o magpatigil sa mga online platform at digital infrastructure na ginagamit sa ganitong mga krimen, gayundin ang mas mahigpit na financial monitoring laban sa mga kahina-hinalang transaksyon.
Itatatag din ang National Council for Child Online Safety and Protection sa ilalim ng Department of Justice, at isang operational unit na tututok sa intelligence gathering at koordinasyon ng mga ahensya laban sa mga sindikato.
Ayon kay Marcos, ipinapakita ng panukala ang determinasyon ng Kongreso na protektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso, maging sa pisikal man o digital na espasyo.




