Ipinag-utos ni Cagayan Governor Manuel Mamba sa mga alkalde ng probinsya na maghanap na ng lote na mapaglilibingan sa mga yumao dahil sa COVID-19.
Sinabi ni Mamba na hindi ito panakot kundi bilang paghahanda ng probinsya sa anomang posibleng mangyari sa paglaban sa virus dahil sa naitatalang casualties lalo na at may banta ang Delta variant sa lalawigan.
Sa panig naman ng pamahalaang panlalawigan, pinaasikaso niya agad sa General Services Office at Provincial Engineering Office ang paghahanap ng lote na gagawing mass burial site.
Batay sa pinakahuling datos ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU), labing-apat ang namatay sa COVID-19 sa buong Cagayan mula noong Agosto-12.
Sa naturang bilang, tig-apat sa mga namatay sa COVID-19 ay mula sa bayan ng Buguey at Tuguegarao City; tatlo sa Solana; tig-isa sa Aparri, Iguig, at Sta. Ana.
Kaugnay nito, umakyat na sa mahigit 600 ang bilang ng mga namatay sa lalawigan at pinakamarami sa Tuguegarao City na umabot na sa 189, sinundan ng Baggao na may 43; Solana na may 38; Aparri at Tuao na may tig- 29.