Photo: Reuters

TUGUEGARAO CITY- Inihayag ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan na dapat na ikonsidera ng mga pamahalaang lokal ang pagkakaroon ng mass grave sites dahil sa dumaraming namamatay dahil sa covid-19.

Sinabi ni Mamba na nakakatakot man itong isipin subalit kailangan na bawat LGU ay nakahanda sa anomang posible pang mangyari sa paglaban sa covid-19 lalo na at patuloy ang pagtaas pa ng kaso sa lalawigan.

Ayon sa kanya, hindi lamang isa kundi higit pa ang namamatay ngayon dahil sa virus kada isang araw.

Sa kabuaan, umaabot na sa 74 ang nasasawi buhat nang makapasok ang virus sa Cagayan.

Ikinalungkot din ni Mamba na hindi na tumatanggap ang halos lahat ng ospital sa lalawigan ng mga pasyente dahil punuan na ang mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, napipilitan ang iba na may covi-19 na I-home quarantine na hindi dapat dahil isa ito sa dahilan ng pagtaas lalo ng kaso ng virus.

Kaugnay nito, sinabi ni Mamba na nakahanda na ang pondo na P50m na pambili ng maraming bakuna.

Subalit sa ngayon ay hindi pa magawang makabili ng mga bakuna dahil sa wala pang go signal ang gobyerno para bumili ang mga lokal na pamahalaan.

Ayon sa kanya, agad na isasagawa ang mass vaccination sa sandaling payagan na ang mga LGUs na bumili ng mga bakuna para sa covid-19.