Magsasagawa ng malawakang swab testing ang Department of Health Region 2 at lokal na pamahalaan ng Solano, Nueva Vizcaya matapos maitala ang isang local case na kauna-unahang kaso ng Delta Variant sa Lambak ng Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Nica Taloma, Head ng Collaborating Center for Disease Control and Prevention ng DOH-RO2, sinabi niya na sa pamamagitan ng “active case findings” ay susuriin ang mga mamamayan na may sintomas ng COVID-19, kahit pa hindi contacts ng pasyenteng nagpositibo sa mas nakakahawang delta variant.

Bilang paghahanda sa pinangangambahang pagkalat ng Delta variant, sinabi ni Taloma na isasailalim din sa RT-PCR test ang mga komunidad na makikitaan ng biglaang paglobo ng COVID-19.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang isinasagawang contact tracing ng kagawaran at LGU para sa posibleng contacts o nakahalubilo ng unang kaso ng Delta Variant sa rehiyon.

Ang mga samples o specimen ng mga contacts ay agad namang ipapadala sa Philippine Genome Center para sa kaukulang balidasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Taloma, ang mga 1st generation close contact ng pasyente ay istriktong ilalagay sa quarantine facility habang inaantay ang reulta ng kanilang test at ang mga 2nd hanggang ‘third generation close contact’ ay home quarantine.

Kung sakali mang magpositibo ay muli itong isasailalim sa pagsusuri matapos ang 10-araw na naka-quarantine, ngunit kung muling magpositibo ay ipapakita ang resulta sa infectious disease expert subalit kung negatibo sa repeat RT-PCR test at walang sintomas ay mare-release ito sa isolation.

Samantala, sinabi ni Dr. Taloma na noong July 20 ay fully recovered na ang isang local case ng delta variant sa rehiyon at sa ngayon ay wala naman umanong nararamdamang respiratory symptoms.

Aniya nakaranas ng sintomas ang naturang pasyente noong July 6 tulad ng ubo, makating lalamunan, sipon at hirap sa paghinga at lumabas na positibo noong July 8 matapos sumailalim sa RT-PCR test ngunit nitong August 5 lamang nang matukoy na ito ay kaso ng delta variant.

Patuloy namang pinag-iingat ng kagawaran ang publiko sa mas nakahahawang Delta variant na unang natuklasan sa India.