Tuguegarao City- Nakatakdang magsagawa ng tatlong araw na mass testing ang Tuguegarao City Health Office dahil sa paglobo ng bilang ng community at local transmission ng COVID-19 sa lungsod mula ng maranasan ang malawakang pagbaha.
Katuwang din ng nasabing tanggapan ang Department of Health Region 2 kung saan ibabase ang magiging rekomendasyon ng ipatutupad na quarantine classification sa lungsod.
Magsisimula ngayong araw na ito ang mass testing hanggang sa November 26, 2020.
Sa panayam kay Dr. James Guzman, City Health Officer, target na makuhanan ng swab test ang nasa 3,500 individuals mula sa mga barangay na naapektohan ng pagbaha at may mga active cases ng sakit.
Aniya, kailangan ang nasabing hakbang dahil mula ng maranasan ang kalamidad sa lungsod ay hindi napigilan ang pagkakaroon ng close contact ng mga residente.
Ayon kay Guzman, bukod sa mga residenteng mapipili ay maisasama rin sa masusuri ang mga rescuers, barangay officials, medical frontliners at iba pang mga personalidad na tumulong sa kasagsagan ng pagbaha.
Kabilang na rin dito ang mga may comorbidities at nasa hanay ng vulnerable groups.
Sinabi pa nito na mula sa 49 na barangay sa lungsod ay may 30 na apektado ng COVID-19 at mayroong mga asymptomatic din na nasa kanilang mga kabahayan ang kinailangang mailikas.
Nabatid na sa kasalukuyan ay sumampa na sa 111 ang active cases ng COVID-19 sa Tuguegarao City at itinuturing ito na pinakamataas na naitalang kaso ng infection rate mula ng magsimulang makapasok ang virus sa lungsod.