Sabay-sabay na ikinasal ang 72 pares na kauna-unahang isinagawa sa gilid ng ilog sa Duba Cave na matatagpuan sa Barangay San Miguel, Baggao, Cagayan.
Ayon kay Mayor Joan Dunuan, umabot sa mahigit 400 ang dumalo sa naturang mass wedding na kinabibilangan ng mga couples, kasama ang mga tumayong principal sponsors at iba pa.
Dahil ang venue ay isinagawa sa ilog at kweba, karamihan sa mga couples ay naka-beach at floral attire kung saan pagkatgapos ng seremonya ay nagpicnic ang mga ito.
Sinabi ni Dunuan na isinagawa ang mass wedding sa labas para imulat at ikintal sa isipan ng bawat pamilya ang pangangalaga sa kalikasan na isa sa mga pangunahing adbokasiya ng kaniyang administrasyon.
Ayon sa alkalde, 18 taong gulang ang pinakabata sa mga ikinasal habang 64-taong gulang ang pinakamatanda.
Ilan sa mga ito ay matagal ng nagsasama ngunit hindi pa ikinakakasal dahil sa kakulangan ng pera kung kaya sinamantala nila ang libreng mass wedding.
Kabilang din aniya sa mga nakisali sa kasalang bayan ang isang foreigner na nakapag-asawa sa naturang bayan.
Bago ang mass wedding noong Enero 20 ay nagtanim muna ng mga puno sa tuktok ng kuweba ang mga magsing-irog bilang pre-nuptial activity.