
Naaresto na ng mga awtoridad ang isang Taiwanese national na itinuturing na mastermind sa brutal na pagpatay at pag-chop-chop sa isang Chinese citizen na natagpuan sa loob ng drum sa Binondo, Maynila.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Davao,” 32-taong gulang.
Nadakip siya ng Pasay City Police sa loob ng isang hotel casino sa Parañaque City bandang ala-una ng hapon nitong Miyerkules, sa tulong ng kanyang live-in partner.
Ang pagkakaaresto sa suspek ay naganap apat na araw matapos madiskubre ang mga naghiwalay na bahagi ng katawan ng biktimang kinilala namang si alyas “Xiangyang.”
Matatandaang naging laman ng mga balita ang pagkakadiskubre sa biktima na ang mga bahagi ng katawan ay hinaluan pa ng kimchi sauce sa loob ng isang asul na plastic drum upang pagtakpan ang amoy nito.
Nakilala si Xiangyang sa tulong ng isang ID mula sa isang members-only supermarket na narekober ng mga imbestigador.
Isang footage mula sa isang condominium sa Pasay City noong Pebrero 15 ang nagpakita sa suspek habang itinutulak ang isang trolley na may lulan ng malaking asul na drum.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang lagaring bakal (metal saw) at chopping knife na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay sa biktima.
Bago ang pagkakadakip sa mastermind, nauna nang nakuha ng mga awtoridad ang kasabwat nito na siyang kumuha ng van para itapon ang drum sa Binondo.
Nakatakdang isailalim ang suspek sa inquest proceedings sa Pasay Prosecutors Office.










