
Ipinag-utos ni Cagayan Governor Edgar Aglipay ang masusing imbestigasyon kasunod ng pagbagsak ng Piggatan Bridge sa bayan ng Alcala, Cagayan.
Sa isinagawang inspeksyon ng Gubernador, kasama si Alcala Mayor Tin Antonio, at Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 2, kaagad na inilatag ang alternate route para sa mga biyahero.
Ang mga light vehicles ay maaaring dumaan sa Brgy. Piggatan Circumferential Road habang ang mga heavy vehicles naman ay sa rutang Baybayog-San Jose, Baggao-Capissayan, Dummon, Gattaran Road.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, umabot sa 155 tons ang kabuuang bigat ng apat na sasakyan na sabay-sabay na dumaan na kinabibilangan dalawang trailer truck na kargado ng saku-sakong palay na ibibiyahe sana sa Cauayan City habang ang isa ay naglalaman ng mga semento at bakal na papunta naman sa kasalungat na direksiyon at dalawang elf na walang laman.
Nasa 18 tons lang ang limit o capacity ng tulay na 45 taon nang naipatayo ayon kay Mayor Antonio.
Dahil dito, sinabi ni Aglipay na posibleng maharap sa kaso ang mga may-ari ng trailer truck na nagkarga ng lagpas sa load limit ng tulay.
Kasunod nito, ipinag-utos rin ng Gubernador ang pagsasagawa ng assessment sa Buntun bridge at sa iba pang mga lumang tulay at ang pagtatalaga ng mga magbabantay sa mga ito para hindi makalusot ang mga overloaded na mga sasakyan.
Ayon sa pulisya na isang driver ang nasugatan sa nasabing insidente matapos maipit sa trailer truck na kargado ng palay subalit stable na umano ang kondisyon matapos maisugod sa pagamutan.
Samantala, inihayag ni Mayor Antonio na hindi lamang simpleng overloading ang pangyayari bagkus tignan ito sa mas malalim na aspeto para magpatayo ng mga istruktura gaya ng tulay na nakakatugon sa kasalukuyang sitwasyon.