Mas pinalakas pa ng PNP Forensic Unit na dating kilalang Crime Laboratory (CrimeLab) ang kakayahan nito sa pagsasagawa ng teknikal na imbestigasyon sa mga krimen sa pamamagitan nang patuloy na pagsasagawa ng mga pagsasanay sa kanilang mga personnel sa ibat-ibang expertise.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMAJ James Bade, officer-in-charge ng Tuguegarao City Forensic Unit na masusing sinasanay sa pagsasagawa ng forensic examinations ang mga forensic specialists na kinabibilangan ng chemist, doctors, medtech, chemical engineers, criminologist at iba pa.

Layunin nito na mapabilis ang pagkolekta ng mga imbestigador sa mga kaukulang ebidensiya para sa mabilis na ikalulutas ng kaso bukod pa sa makasisiguro na magiging ligtas ang mga taong posibleng biktima at magiging biktima pa ng krimen.

Bukod sa mga tauhan ay nagsasagawa din ang PNP Forensic Unit ng orientation at pagsasanay sa mga barangay officials kaugnay sa pagresponde sa mga crime scene.

Ayon kay Bad-e, ito ay upang tulungan ang mga barangay responders na maging maalam sa kanilang responsibilidad bilang paunang mga tagapagtugon sa mga aksidente sa kanilang nasasakupan upang mapreserba ang mga ebidensya sa krimen na makakatulong sa pagsasagawa ng case investigation.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, ibinida rin ni Bad-e ang kanilang mga kagamitan at modernong proseso sa pagsusuri ng mga ebidensya na makatitiyak sa epektibong paghahatid ng hustisya.

Bukod sa scene of crime operations ay kabilang din sa serbisyong hatid ng PNP Forensic Unit ang medico-legal assistance, DNA identification, forensic chemical identification, physical identification, firearm identification, fingerprint identification, questioned document analysis, polygraph testing, forensic photography at macro-etching sa mga sasakyan.

Hinikayat naman ni Bad-e ang mga nangangailangan ng technical assistance na maaari silang bisitahin sa kanilang opisina sa 3rd floor ng Tuguegarao City Commercial Center o kumontak sa kanilang hotline No. 0967-700-0745.