TUGUEGARAO CITY-Kumpiyansa ang Department of Agriculture (DA)Region 02 na makakamit pa rin ang mataas na corn production ngayong taon sa kabila ng problema na dulot ng fall army worm.
Ayon kay Paul Vincent Balao, Regional corn program focal person, nasa 5,413 na ektarya ng maisan ang naapektuhan dahil sa pag-atake ng fall army worm.
Ngunit,sinabi ni Balao na mabilis naman itong inagapan ng kanilang tanggapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng paunang solusyon tulad ng biological control agents na pamuksa sa nasabing pest at marami pang iba.
Aniya, patuloy ang monitoring ng DA upang hindi na madagdagan pa ang mga naapektuhan ng fall army worm kung saan nasa 900 metric tons na mais ang maaaring anihin ngayong taon mula sa mahigit 214,000 na ektarya sa buong rehiyon.
Mula sa limang libong ektarya na naapektuhan ng peste ay katumbas umano ito ng 2.32 percent sa kabuuang ektarya ng maisan sa rehiyon.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Balao ang mga magsasaka dahil sa patuloy na pagtatanim ng mais sa kabila ng mga nararanasang pagkalugi dahil sa peste kasama na ang epekto ng mga kalamidad.
Dahil dito, tiniyak ni Balao ang tuloy-tuloy na tulong sa mga magsasaka sa pamamagitan ng kanilang mga programa sa mga corn farmers sa rehiyon dos.
Sa ngayon , patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahesya sa mga magsasaka at Local Government Units upang mabantayan ang kanilang mga lugar laban sa fall army worm. with reports from Bombo Efren Reyes Jr.