Iniimbestigahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mataas na opisyal ng Philippine Air Force (PAF) na inakusahan ng panggagahasa ng kanyang dalawang junior officers.

Sinabi ni Colonel Xerxes Trinidad, AFP public affairs office, mayroon nang nakita na prima facie evidence sa akusasyon ng dalawang junior officers na nangangailangan ng karagdagang legal action.

Batay sa ulat, kinasuhan ang hindi kilalang mataas na lalaking opisyal sa prosecutor’s office matapos na akusahan ng sexual assault ng dalawang junior officers.

Nangyari umano ang insidente noong January 29 matapos ang night-out event, at inihain ng mga biktima ang reklamo kinabukasan.

Inamin ni Cherri Pie Fernandez, acting Air Force spokesperson na mayroong katulad na kaso na iniimbestigahan na ng General Headquarters ng AFP.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak niya na hindi kinokunsinti ng PAF ang anomang misconduct ng kanilang mga tauhan.

Ayon naman sa AFP, sinibak sa kanyang puwesto ang nasabing opisyal kasunod ng paghahain ng reklamo.

Sinabi ni Trinidad, nakabinbin pa na ang pag-apruba ng kaukulang awtoridad para ipasakamay ito sa General Court Martial.

Tiniyak ni Trinidad sa mga complainants na mapoprotektahan ang kanilang mga karapatan at sinisiguro na mababantayan sila mula sa pananakot o hindi maiimpluwensiyahan ang proseso.