TUGUEGARAO CITY- Nangunguna ngayon ang National Food Authority (NFA) Cagayan sa may pinakamaraming nabiling palay sa Region 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Emerson Ravila, Provincial Manager ng NFA Cagayan, mula nitong buwan ng Septyembre hanggang Oktubre 6 ay umabot na sa 220K bags ng palay ang procurement ng ahensya.
Sa ngayon ay patuloy pa rin aniya ang pagbili ng kanilang tanggapan ng palay upang maabot ang target nito hanggang Disyembre.
Bahagi nito ang kanilang low scenario target na 1.6M bags ng palay, 2.5M bags sa medium scenario at sa high scenario ay target na makabili 3M bags.
Ayon pa sa kanya na ngayong darating na Biyernes ay uumpisahan na rin ng kanilang tanggapan na gilingin ang mga palay na bagong nabili para sa local stock requirements at maging sa National Capital Region.
Samantala, inihayag nito na P19 ngayon ang kanilang pagbili sa clean and dry na palay habang ang presyo naman ng sariwa ay nasa P15.06-P18.95 depende sa moisture content nito.
Inihayag nito na may P17B na pondong pinapaikot ang ahensya sa pagbili ng produktong palay ng mga nais magbenta sa kanilang tanggapan.