Maituturing na tagumpay ang ipinatutupad na estratehiya ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kaugnay sa pagtutok ng pagamutan sa mga COVID-19 patient.

Itoy makaraang gumaling na at nakalabas na rin sa pagamutan matapos nag-negatibo sa kanilang pangalawang swab test ang lahat ng COVID-19 positive na na-admit sa CVMC.

Sa panayam ng Bombo Radyo, ipinagmalaki ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC ang pagbuo niya ng COVID-19 team na binubuo ng tig-apat na espesyalista na nakatutok lamang sa COVID ward.

Ayon kay Dr. Baggao, salitan ang bawat team na may duty ng limang araw sa COVID ward at nakatutok sa mga pasyenteng may kaugnayan sa COVID at hindi lumalabas sa ospital.

Dahil dito, nagpasalamat si Dr. Baggao sa ipinamalas na kabayanihan at kakayahan ng COVID-19 team ng CVMC sa pangangasiwa sa mga pasyenteng nagpositibo sa naturang sakit.

-- ADVERTISEMENT --

Sa katunayan, nag-negatibo na ngayong araw sa COVID-19 ang anim sa labin-dalawang suspected COVID-19 patients sa CVMC.

Ibig sabihin, anim na pasyente na lamang na itinuturing na ‘suspects’ at naghihintay ng resulta sa kanilang swab test ang patuloy na inaalagan sa CVMC.