Pinag-aaralan na ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad ng pagpapataw ng maximum suggested retail price (MSRP) sa baboy dahil sa pagtaas ng presyo sa mga pamilihan.

Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, bahagi ng kanilang pagsusuri ang pagtukoy ng tamang MSRP para sa baboy upang matugunan ang pagtaas ng presyo.

Binanggit din niya na ang mga mapapatunayang sangkot sa profiteering ay maaaring kasuhan batay sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Ipinaliwanag ni De Mesa na ang markup mula sa farmgate price hanggang retail price ay dapat may maliit na dagdag lamang, na hindi lalampas ng P100. Gayunpaman, ang mga presyo sa merkado ay mas mataas.

Halimbawa, habang ang farmgate price ng baboy ay nasa PHP220 hanggang PHP250, ang presyo sa merkado ay higit sa PHP400 kada kilo.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa DA, kailangan pa nila ng dalawang linggo upang alamin ang mga sanhi ng pagtaas ng presyo ng baboy sa kabila ng matatag na suplay ng baboy. Kasama na rin sa kanilang pagsusuri ang posibleng profiteering sa merkado.