Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9208 ang operator ng isang videoke bar at apat na iba pa na sangkot sa human trafficking law sa Tuguegarao City.

Kasunod ito ng pagkakaligtas sa dalawang menor-de-edad na babae ng pinagsanib na pwersa ng pulisya, City Social Welfare and Development (CSWD) at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT-RO2) sa isang bahay aliwan sa Barangay Balzain East.

Nadakip sa ikinasang entrapment operation ang may-ari ng videoke bar na si Milagros Taguinod, 41-anyos ng Barangay Annafunan East at Ninia Lasam, 34-anyos, floor manager at residente sa Balzain East.

Kabilang sa mga hinuli ay sina Karen Elsa Joy Ramirez, cashier, Princess Magno at Rosemarie Tanedo mula Tarlac City na sinasabing recruiter ng mga babae.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Lt. Isabelita Gano ng PNP Tuguegarao na dalawa ang nagpanggap bilang parokyano ang nagbayad para sa pag-book sa dalawang 17-anyos na babae.

-- ADVERTISEMENT --

Nang tanggapin ng mga suspek ang pera ay dito na sila pinasok at hinuli ng operatiba.

Kwento sa pulisya ng dalawang biktima mula Pampanga, kinumbinsi raw sila ng nakilalang recruiter na si Rosemarie nitong Hunyo upang mamasyal lamang sa Tuguegarao habang sinabi naman sa isa na magta-trabaho sa videoke bar, na kalaunan ay pineke ang kanilang birth certificate.

Nabatid pa kay Gano na sinasaktan at tinatakot pa umano ng mga suspek ang isa sa mga biktima.

Samantala, dadalhin ang dalawang biktima sa isang pasilidad ng DSWD sa Lingu, Solana habang inihahanda ang pagpapauwi sa kanila sa Pampanga.

Bukod sa kaso, posible ring maipasara ang naturang videoke bar.

—with reports from Bombo Bernadeth Heralde