Ipapatatawag ng lokal na pamahalaan ng Alcala, Cagayan ang mga may-ari ng parcels mula sa isang online shopping platform matapos itong matagpuan sa nakatambak na basura sa gilid ng isang farm-to-market road.

Ayon kay Atty. Tin Antonio, alkalde ng Alcala, nakasilid ang mga parcels sa mga sako-sakong basura na mali ang pagkakatapon sa gilid ng kalsada, at nangangamoy na rin ang mga ito.

Sinabi niya na ang mga lumabag sa tamang pagtatapon ng basura ay maaaring patawan ng multa mula P300 hanggang P1,000 at community service sa loob ng 1 hanggang 15 araw, alinsunod sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Lima sa mga parcels ay mula sa Centro Sur, isa mula sa Centro Norte, at isa mula sa Masin.

Upang maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap, inihayag ni Mayor Antonio na maglalagay ang lokal na pamahalaan ng CCTV cameras sa nasabing lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok din ng alkalde ang mga residente na ipatupad ang tamang waste management sa kanilang mga tahanan, kabilang ang wastong paghihiwalay ng nabubulok at hindi nabubulok na basura.