Inakusahan ni Ramil Madriaga si former president Rodrigo Duterte na umano’y nagplano ng pagpapatalsik o kahit pagpaslang laban kay Ferdinand Marcos Jr. kung hindi ito bababa sa puwesto pagsapit ng 2025.

Inilahad ni Madriaga ang mga alegasyon sa kanyang supplemental affidavit na isinumite sa House Committee on Justice kaugnay ng impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte.

Ayon sa kanya, nagkaroon umano ng kasunduan noong Nobyembre 2021 sa pagitan ng kampo nina Marcos at Duterte na boluntaryong bababa sa puwesto ang Pangulo sa 2025 upang magbigay-daan sa pagkapangulo ni VP Sara Duterte.

Sinabi rin ni Madriaga na tinalakay umano ng dating pangulo kasama ang ilang retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines ang iba’t ibang paraan upang mapatalsik si Marcos kung hindi nito tutuparin ang nasabing kasunduan. Kabilang umano sa mga planong ito ang panloob na pagsabotahe sa administrasyon, posibleng impeachment, at iba pang hakbang tulad ng civil disobedience at pag-atake sa Malacañang.

Dagdag pa niya, may mga hakbang din umano upang magdulot ng kaguluhan sa bansa bilang bahagi ng plano para makakuha ng suporta ng militar.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, itinanggi ng kampo ni Sara Duterte ang mga alegasyon at tinawag itong gawa-gawa lamang at walang sapat na ebidensya, ayon sa kanyang abogado na si Salvador Paolo Panelo Jr.