Inaresto ang mayor ng Pandi, Bulacan na si Mayor Enrico Roque at dalawang iba, kabilang ang isang konsehal at driver noong Martes dahil sa dalawang bilang ng kasong panggagahasa na inihain ng 17 years old na biktima noong 2019.

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), inaresto si Roque, kasama ang dalawang iba pa na hindi na pinangalanan, sa resort ng alkalde sa bayan ng Pandi.

Kasunod nito ay inilagay sila sa kustodiya ng Northern Police District.

Ayon sa NCRPO, inilabas ang arrest warrant laban sa mga akusado ni Caloocan City Regional Trial Court Branch 121 dahil sa dalawang kaso ng panggagahasa, at walang inirekomendang piyansa.

Una rito, kinumpirma ni Bulacan police director Col. Satur Ediong na inaresto si Roque, kasama sina Pandi Councilor Jonjon Roxas at driver na si Roel Raymundo.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng biktima na ginahasa umano siya ng tatlo noong April 6, 2019 sa bahay ng alkalde sa Bagong Silang, Caloocan City.

Inihain niya ang kanyang reklamo, apat na araw matapos ang umano ay panggagahasa sa kanya.