TUGUEGARAO CITY- Ibinalik ng bise alkalde sa executive department ng Baggao, Cagayan ang sisi kaugnay sa tatlong buwang pagkakaantala ng mahigit P30 milyon na panukalang Supplemental Budget.
Ayon kay Vice Mayor Rowel Gazmen, nabigo ang sanggunian bayan na maipasa ang naturang panukalang pondo matapos mabigo rin ang Executive Deparment na makatugon sa kanilang hinihinging mga dokumento.
Paliwanag ng bise alkalde, nakukulangan ang sanggunian bayan sa proposal ng Municipal Health Office (MHO) para sa mga programa at proyekto nito na kailangang mapondohan sa pagtugon sa pandemya.
Iginiit naman ni Mayor Joan Dunuan na ang ipinanukalang supplemental budget ay dumaan sa tamang proseso na aprubado ng mga opisyal ng barangay at Municipal Development Council (MDC).
Mali din ayon kay Dunuan na ilagay lahat ang budget sa MHO na siyang rekomendasyon ng Sanggunian bayan dahil may mga programa pa ang LGU na kailangang mapondohan.
Sa kabila nito aniya ay patuloy umanong gumagawa ang kanyang opisina ng paraan sa paghahanap ng pondo para sa kanilang COVID-19 respons.
Dahil dito, sinabi ni Gazmen na magkakaroon ng konsultasyon ang sanggunian bayan bukas para sa hinggil sa mga kailangang pondohan sa ilalim ng supplemental budget.
Ipapatawag sa consultation meeting si Dunuan, kasama ang MHO, private doctors ng Baggao at si Father Gerry Perez ng St Joseph College.
Aminado naman si Gazmen na apektado na ang mamamayan sa pagkakaantala ng budget at umaasang maisasaayos ang mga tamang programa at proyekto na mapaglalalaanan nito sa lalong madaling panahon.
Partikular na tinukoy ng bise alkalde ang nanghihingalong healthcare system sa kanilang bayan matapos magpositibo sa virus ang kanilang nag-iisang duktor sa MHO kung kaya walang duktor na tumitingin sa mga COVID-patients na kasalukuyang nasa isolation facilities.
Dagdag pa rito ang kakulangan ng oxygen tank at Personal Protective Equipment (PPE), bukod pa sa kakulangan sa manpower.
Kasabay ng mga problemang ito ay umaasa si Gazmen na matutulungan sila ng Department of Health at Provincial Government.
Samantala, inaprubahan na ng Sanggunian bayan ang kasunduang pinasok ng LGU sa Saint Joseph College at Department of Education kaugnay sa paggamit sa pasilidad ng mga eskwelahan upang gawing isolation at quarantine facility para madecongest ang kanilang municipal quarantine facility.